6Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga, ‘Ibalik ninyo sila,’ at sa timog, ‘Huwag ninyo silang pigilan.’ Hayaan ninyong bumalik ang aking mga mamamayan mula sa malayo, at umuwi mula sa kasuluk-sulukan ng mundo.
7Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”
8Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, ngunit hindi makakita; may mga tainga, ngunit hindi makarinig.
9Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga diyos-diyosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi upang patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, “Totoo nga.”
10“Kayo ang aking mga saksi,” wika ng Panginoon. “Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, upang makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at maunawaan ninyo na ako lamang ang Diyos. Walang ibang Diyos na nauna sa akin, at wala ring Diyos na susunod pa sa akin.