1Ngunit ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, at ikaw ay akin.
2Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at sa ningas nitoʼy hindi ka magliliyab.
3Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Ehipto bilang pantubos sa iyo, ang Etiopia, at ang Seba bilang kapalit mo.
4Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita.