3Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni Haring Ezequias: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala nang lakas para iluwal ang kanyang sanggol.
4Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Diyos na buháy. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Diyos ang sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”
5Nang dumating ang mga opisyal, na ipinadala ni Haring Ezequias kay Isaias,
6sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria.
7Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.”