2Patuloy kong iniaabot ang aking kamay sa mga mamamayan kong matitigas ang ulo, na lumalakad sa hindi mabuting daan at sinusunod lamang ang sarili nilang isipan.
3Buong araw nila akong iniinsulto nang harapan, sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga diyos-diyosan doon sa kanilang mga sagradong halamanan. Nagsusunog sila ng mga insenso doon sa altar ng mga pagano at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar na bato.
4Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin.
5Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”
6Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako.