10Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz,
11“Humingi ka sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, ng palatandaan, magmula man ito sa kalaliman, doon sa mundo ng mga patay, o sa kaitaasan, doon sa langit.”
12Ngunit sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
13Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Diyos ko naman ang iniinis ninyo?
14Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Immanuel.