1Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo hanggang sa hindi na ito mapakinabangan. Sisirain niya ang ibabaw nito at ikakalat niya ang mga mamamayan nito.
2Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang.
3Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Ang Panginoon ang nagsabi nito.
4Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang mga tao.
5Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Diyos at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Diyos sa kanila.