13Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria!
14Ito ang sinasabi ng hari: Huwag kayong magpaloko kay Ezequias. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko!
15Huwag kayong maniwala kay Ezequias na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
16“Huwag kayong makinig kay Ezequias! Ito ang ipinasasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon,
17hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng alak at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay.