3Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at isinawalang-bahala.
4Ang totoo, pinasan niya ang mga sakit natin, at tiniis ang mga pighating dapat sanaʼy ating dadanasin. Inakala nating siyaʼy pinarusahan ng Diyos, sinaktan at pinahirapan.
5Subalit, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; dinurog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ay nagdulot sa atin ng kapayapaan. At dahil sa kanyang mga sugat, tayoʼy may kagalingan.
6Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Ngunit siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat.
7Inapi siya at sinaktan, ngunit hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan upang patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik.