4Muli nilang itatayo ang mga lugar na gumuho noong unang panahon, at aayusin ang mga lungsod na nawasak noon. Muli nilang bubuhayin ang mga ito, kahit na napakatagal na nitong gumuho.
5Mga mamamayan ng Diyos, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan.
6Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Diyos. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo.
7Sa halip na kahihiyan, magiging doble ang inyong matatanggap na pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.
8“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagnanais ng katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang aking mga mamamayan at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila.