10Ngunit nagrebelde sila at pinalungkot nila ang kanyang Banal na Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya.
11Ngunit sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Ehipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu?
12Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, upang siyaʼy maitanyag magpakailanman?
13Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar.
14Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.” Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan upang kayoʼy aming maparangalan.