16“Panginoon, Diyos ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Diyos na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang langit at lupa.
17Panginoon, pakinggan nʼyo po ako, at tingnan nʼyo ang mga nangyari. O buháy na Diyos, pakinggan nʼyo ang mga sinabi ni Senaquerib na lumapastangan sa inyo.
18Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming mamamayan at mga lupain nila.
19Winasak nila ang mga diyos-diyosan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong diyos, kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao.
20Kaya, Panginoon naming Diyos, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, upang malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Diyos.”