Awit 132

1Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.

2Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Diyos ni Jacob. Ipinangako niya,

3“Hindi ako uuwi sa aking bahay ni hihimlay sa aking higaan.

4Hindi ko hahayaang dalawin ako ng antok ni ipikit ang aking mga mata

5hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

6Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan, at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.

7Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tahanan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”

8Panginoon, pumasok po kayo sa inyong tahanan kasama ang Kahon ng inyong Kasunduan, na simbolo ng inyong kapangyarihan.

9Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari, at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.

10Alang-alang kay David na inyong lingkod, huwag ninyong itatakwil ang haring inyong hinirang.

11Nangako kayo noon kay David, at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin. Sinabi ninyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit bilang hari.

12At kung ang iyong angkan ay tutupad sa aking kasunduan at susunod sa mga turo sa kanila, ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”

13Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion hinangad niya ito na maging tahanan niya. Sinabi niya,

14“Ito ang aking tirahan magpakailanman; dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.

15Bibiyayaan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan, mga mamamayan niyang dukha ay aking bubusugin.

16Ililigtas ko ang kanyang mga pari, at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.

17“Paghahariin ko sa Zion ang haring mula sa angkan ni David, at gagawin ko siyang parang ilawan na pumapatnubay sa mga tao.

18Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.