1Kataas-taasang Diyos na Panginoon namin, napakasarap magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
2Napakasarap ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan, araw at gabi,
3habang tumutugtog ng mga instrumentong may kuwerdas.
4Sapagkat pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong mga kahanga-hangang gawa. At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
5O Panginoon, kay dakila ng inyong mga gawa. Hindi namin kayang unawain.
6Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
7na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago, ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
8Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
9Tiyak na mapapahamak ang lahat ng inyong kaaway at kakalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng toro at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.
11Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway, at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma, at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Diyos, na tumutubo nang mayabong,
14lumalago at namumunga kahit matanda na, berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Batong kanlungan, ay matuwid. Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.