Awit 51

1O Diyos, ako poʼy inyong kaawaan sang-ayon sa inyong tapat na pagmamahal; Ang mga pagsuway koʼy inyo pong pawiin sang-ayon sa inyong pagmamalasakit sa akin.

2Hugasan nʼyo po ako sa aking kasamaan, at linisin nang lubos sa aking kasalanan.

3Mga pagsuway koʼy tunay kong nalalaman, pagkakasala koʼy laging laman ng isipan.

4Tanging sa inyo lamang ako tunay na nagkasala. Di kalugod-lugod sa inyong harapan ang aking ginawa. Kaya ang inyong paghuhusga sa akin ay makatarungan. Nararapat lamang na akoʼy inyong hatulan.

5Tunay ngang akoʼy makasalanan, mula pa noong akoʼy isilang; kahit noong akoʼy ipinagbubuntis pa lamang ng aking ina.

6Ngunit ang nais nʼyoy isang pusong tapat kahit noong akoʼy nasa sinapupunan pa lamang; pinuspos nʼyo ako ng karunungan.

7Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan upang lubusan luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.

8Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan upang sa aba kong kalagayan, ay muli kong makamtan ang kagalakan.

9Kalimutan nʼyo na ang aking mga kasalanan, at burahin ang lahat kong kasamaan.

10Isang busilak na puso, O Diyos, ang likhain nʼyo sa akin; bagong espiritung matapat, ang ibigay sa akin.

11Huwag nʼyo po akong itaboy palayo sa inyong piling, at huwag nʼyo po sanang bawiin ang inyong Banal na Espiritu sa akin.

12Panumbalikin sa akin ang kagalakang bunga ng inyong pagliligtas sa akin. Bigyan nawa ako ng espiritung masunurin.

13At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang sa inyo, silaʼy manumbalik.

14Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay, O Diyos na aking Tagapagligtas, at sisigaw ako sa galak dahil kayo ay matuwid.

15Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi, nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.

16Hindi naman mga handog ang nais nʼyo; mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.

17Ang handog ko sa inyo, O Diyos, ay isang pusong nagpapakumbaba, at nagsisisi sa kanyang kasalanan. O Diyos, ito ang handog na hindi ninyo tatanggihan.

18Dahil sa kagustuhan nʼyo, pagpalain nʼyo ang Jerusalem. Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.

19Nang sa gayoʼy malugod kayo sa mga nararapat na handog, pati sa mga handog na sinusunog nang buo. At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.