Awit 98

1Umawit ng bagong awit sa Panginoon, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga gawa! Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.

2Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.

3Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa Israel. Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Diyos.

4Kayong lahat ng tao sa buong mundo, sumigaw kayo sa galak sa Panginoon! Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.

5Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa.

6Patunugin ang mga trumpeta at tambuli; sumigaw kayo sa galak sa harapan ng Panginoon, na Hari.

7Magalak ang dagat at ang lahat ng naninirahan dito, gayundin ang buong mundo at ang lahat ng narito.

8Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan.

9Magalak sila sa presensya ng Panginoon na hari dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo. Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.