Awit 24

1Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.

2Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.

3Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon? At sino ang maaaring tumuntong sa kanyang banal na lugar?

4Makatutuntong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso, ang hindi sumasamba sa mga diyos-diyosan, at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.

5Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Diyos na kanyang Tagapagligtas.

6Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Diyos ni Jacob.

7Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng Templo upang makapasok ang haring makapangyarihan!

8Sino ang haring makapangyarihan? Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.

9Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng Templo upang makapasok ang haring makapangyarihan!

10Sino ang dakilang Hari? Ang Panginoon ng mga Hukbo; Siya ang dakilang Hari!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.