1O Panginoon, huwag nʼyo po akong sawayin kapag kayoʼy galit sa akin; Huwag nʼyo po akong parusahan kapag kayoʼy napopoot sa akin.
2Akoʼy inyong kahabagan sa aking kahinaan, at pagalingin ang dumaraing kong kalamnan.
3Akoʼy labis na nababagabag. Hanggang kailan, O Panginoon, hanggang kailan ako magiging ganito?
4Panginoon akoʼy inyong dinggin at akoʼy sagipin. Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5Sapagkat ang patay ay ʼdi ka na maaalala. Sa mundo ng mga patay wala nang makakapagpuri pa.
6Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing. Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking higaan; sa pag-iyak koʼy basang-basa ang aking unan.
7Ang paningin koʼy nanlalabo dahil sa sobrang lungkot ko; Ang mga mata koʼy namumugto dahil sa mga kaaway ko.
8Layuan nʼyo ako, kayong gumagawa ng masama, sapagkat dininig na ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9Narinig niya ang paghingi ko ng tulong, at sasagutin niya ang aking dalangin.
10Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway; Bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.