Awit 105

1Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya! Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.

2Awitan nʼyo siya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.

3Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan. Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.

4Magtiwala kayo sa Panginoon, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa kanya.

5Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Diyos, at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.

7Siya ang Panginoon na ating Diyos, siya ang humahatol sa buong mundo.

8Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman; ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi

9ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.

10Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob, at magpapatuloy ito magpakailanman.

11Sinabi niya sa bawat isa sa kanila, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12Nooʼy iilan pa lang ang mga mamamayan ng Diyos, at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.

13Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.

14Ngunit hindi pinahintulutan ng Diyos na apihin sila. Bilang proteksyon sa kanila ay sinaway niya ang mga hari.

15Sinabi niya, “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod, huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

16Nagpadala ang Diyos ng taggutom sa lupain ng Canaan. Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.

17Ngunit may pinauna na siya sa Ehipto na tutulong sa kanila. Si Jose na ipinagbili roon bilang alipin.

18Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,

19hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya. Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.

20Pinalaya siya ng hari ng Ehipto na namamahala sa maraming tao,

21at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.

22Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.

23Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Ehipto, na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sila nanirahan bilang dayuhan.

24Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan, at naging makapangyarihan kaysa sa mga Ehipsiyo na kanilang kaaway.

25Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Ehipsiyo ang mga mamamayan na kanyang lingkod.

26Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.

27Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Diyos.

28Pinadilim ng Diyos ang lupain ng Ehipto, ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.

29Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig, kaya namatay ang kanilang mga isda.

30Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.

31Nag-utos ang Diyos, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at lamok.

32Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.

33Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos, at iba pang mga punongkahoy.

34Sa kanyang utos, dumating ang mga balang, at mga tipaklong na hindi mabilang.

35At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.

36Pinatay ng Diyos ang lahat nilang panganay na lalaki.

37Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Ehipto na wala ni isa mang napahamak, at may dala pa silang mga pilak at ginto. At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.

38Natuwa ang mga Ehipsiyo nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.

39Naglagay ang Diyos ng ulap na lililim sa kanila at kung gabi namaʼy apoy upang magbigay sa kanila ng liwanag.

40Ang mga taoʼy humingi ng makakain, at pinadalhan sila ng Diyos ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.

41Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig. Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.

42Ang lahat ng ito ay ginawa ng Diyos dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.

43Pinalabas niya sa Ehipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.

44Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa; ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba

45upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan. Purihin ang Panginoon!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.