1O Diyos, lubusan akong nagtitiwala sa inyo. Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kuwerdas.
3Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa. Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at ang inyong kaluwalhatian sa buong mundo.
6Iligtas nʼyo kami at tulungan sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, upang kaming mga minamahal nʼyo ay maligtas.
7O Diyos, sinabi nʼyo roon sa inyong santuwaryo, “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot, upang ipamigay sa aking mga mamamayan.
8Sa akin ang Gilead at Manases, ang Efraim ay gagawin kong tanggulan at ang Juda ang aking tagapamahala.
9Ang Moab ang aking utusan at ang Edom ay sa akin din. Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10Sinong magdadala sa akin sa Edom at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11Sino na ang makakatulong, O Diyos, ngayong itinakwil nʼyo na kami? Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway, dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13Sa tulong nʼyo, O Diyos, kamiʼy magtatagumpay sapagkat tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.