Awit 103

1Pupurihin ko ang Panginoon! Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.

2Pupurihin ko ang Panginoon, at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.

3Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan, at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.

4Inililigtas niya ako sa kapahamakan, at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.

5Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay. Kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

6Ang Panginoon ay matuwid sa paghatol; binibigyang-katarungan ang lahat ng inaapi.

7Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan, at inihayag sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.

8Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

9Hindi siya palaging nanunumbat, at hindi nananatiling galít.

10Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan. Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.

11Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa, ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Diyos sa mga may takot sa kanya.

12Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.

13Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak; ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.

14Sapagkat alam niya ang ating kahinaan, alam niyang tayoʼy mula sa alabok lamang.

15Ang buhay ng tao ay tulad ng damo. Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.

16At kapag umiihip ang hangin, itoʼy nawawala at hindi na nakikita.

17Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa sinumang may takot sa kanya; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.

18Ang magkakamit nitoʼy ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa kanyang kautusan.

19Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan, at siyaʼy naghahari sa lahat.

20Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya, na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.

21Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit, na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.

22Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian. Purihin ang Panginoon!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.