Awit 78

1Mga kababayan, ang mga turo koʼy inyong pakinggan. Sundin ninyo ang aking mga salita.

2Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.

3Napakinggan na natin ito at nalaman. Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.

4Hindi natin ito ililihim sa ating mga anak; sasabihin natin sa mga susunod na henerasyon ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.

5Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan kay Jacob; ginawa niya itong batas ng Israel. Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,

6upang itoʼy malaman din ng susunod na henerasyon at ituturo rin nila sa kanilang mga anak.

7Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Diyos at hindi nila makakalimutan ang kanyang mga ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos.

8Hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Diyos, at hindi tapat sa kanya.

9Bagamaʼt may mga pana ang mga taga-Efraim, umaatras naman sila sa oras ng labanan.

10Hindi nila pinanindigan ang kasunduan nila sa Diyos, at tumanggi silang mamuhay ayon sa kanyang mga utos.

11Kinalimutan nila ang mga kahanga-hanga niyang ginawa na ipinakita niya sa kanila.

12Nasaksihan mismo ng ating mga ninuno ang mga himala na ginawa ng Diyos doon sa Zoan sa lupain ng Ehipto.

13Hinawi niya ang dagat at pinadaan sila roon; ginawa niyang parang magkabilang pader ang tubig.

14Pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap tuwing araw at sa pamamagitan ng liwanag ng apoy naman tuwing gabi.

15Biniyak niya ang mga bato sa ilang at dumaloy ang tubig at binigyan sila ng maraming inumin mula sa kailaliman ng lupa.

16Pinalabas niya ang maraming tubig mula sa bato at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.

17Ngunit patuloy pa rin silang nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Diyos doon sa ilang.

18Sinadya nilang subukin ang Diyos sa pamamagitan ng paghingi nila ng mga pagkaing gusto nila.

19Kinutya nila ang Diyos nang sabihin nilang, “Makakapaghanda ba ang Diyos ng pagkain dito sa ilang?

20Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato, ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”

21Narinig ito ng Panginoon at galit na galit siya. Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,

22dahil hindi sila sumampalataya sa kanya, o nagtiwala sa pagliligtas niya.

23Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,

24at pinaulanan sila ng pagkaing manna. Ibinigay ito sa kanila upang kainin.

25Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at sobra pa sa kaya nilang kainin ang ibinigay ng Diyos sa kanila.

26Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

27Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.

28Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.

29Kaya kumain sila at nabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Diyos ang gusto nila.

30Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,

31nagalit ang Diyos sa kanila. Pinatay niya ang makikisig na mga kabataan ng Israel.

32Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila, nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala. Kahit na gumawa siya ng mga himala, hindi pa rin sila naniwala.

33Kaya agad niyang winakasan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.

34Kapag pinarurusahan sila ng Diyos at ang iba sa kanilaʼy namamatay, nagbabalik-loob sila at agad lumalapit sa kanya.

35At naalala nila na ang Diyos ang kanilang Batong kanlungan, ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang Tagapagligtas.

36Ang papuri nilaʼy sa bibig lamang nagmumula pawang kasinungalingan ang kanilang mga salita.

37Hindi sila naging tapat sa kanya at hindi nila pinahalagahan ang kasunduan niya sa kanila.

38Ngunit dahil maawain ang Diyos, pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol. Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.

39Naisip niyang mga tao lamang sila, parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.

40Madalas silang maghimagsik sa Diyos doon sa ilang at pinalungkot nila siya.

41Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos; ginalit nila ang Banal na Diyos ng Israel.

42Hindi nila inalala ang kanyang kapangyarihan sa araw na iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,

43noong gumawa siya ng mga himala at tanda roon sa Zoan, sa lupain ng Ehipto.

44Ginawa niyang dugo ang mga ilog nila, kaya wala silang mainom sa mga tubig nila.

45Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw na nagpahirap sa kanila at mga palaka na puminsala sa lupain nila.

46Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.

47Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.

48Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.

49Ipinaranas niya sa kanila ang matinding poot at galit niya, at nagpadala siya ng mga anghel na nagdulot ng sakuna.

50Hindi pinigilan ng Diyos ang kanyang poot. Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan. Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.

51Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Ehipto; Oo, ang bawat panganay sa lahi ni Ham.

52Ngunit parang mga tupa na inilabas niya sa Ehipto ang kanyang mamamayan tulad sa kawan ng mga tupa, silaʼy pinatnubayan niya sa ilang.

53Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot. Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.

54Dinala niya sila sa lupaing kanyang pinili, dito sa bulubunduking lugar na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

55Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon, at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel upang maging pag-aari nila at maging tirahan.

56Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Diyos, naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.

57Tumalikod sila sa Diyos katulad ng kanilang mga ninuno. Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.

58Ginalit nila ang Diyos dahil sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar Pinanibugho nila ang Diyos dahil sa kanilang mga diyos-diyosan.

59Alam ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita, kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.

60Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Silo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.

61Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.

62Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.

63Sinunog ang kanilang mga binata, kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.

64Namatay sa labanan ang kanilang mga pari, at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.

65Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay; at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.

66Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.

67Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.

68Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.

69Doon niya ipinatayo ang kanyang Templo, katulad ng langit at lupa na kanyang itinatag, magpakailanman.

70Pinili ng Diyos si David na maging lingkod niya. Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.

72Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.