Awit 59

1O Diyos, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway. At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.

2Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.

3Panginoon, tingnan nʼyo! Inaabangan nila ako upang patayin, kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.

4Wala akong nagawang kasalanan, ngunit handa silang salakayin ako. Sige na po, Panginoong Diyos ng mga Hukbo, Diyos ng Israel. Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako! Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo. Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.

6Tuwing gabi ay pabalik-balik sa lungsod ang aking mga kaaway; para silang mga asong umaalulong habang silaʼy naglilibot sa bayan.

7Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasinsakit ng tusok ng espada. At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”

8Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon. Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.

9O Diyos ikaw ang aking kalakasan. Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,

10at Diyos na nagmamahal sa akin. Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.

11Ngunit huwag nʼyo silang patayin agad upang hindi makalimutan ng aking mga kababayan kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway. O Panginoon na aming pananggalang, iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

12Silaʼy nagkakasala sa kanilang mga labi sapagkat masasama ang kanilang sinasabi. Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan, pagmumura at kasinungalingan.

13Sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho. Sa gayoʼy malalaman ng buong mundo na kayo, O Diyos, ang naghahari sa Israel.

14Tuwing gabi ay pabalik-balik sa lungsod ang aking mga kaaway; para silang mga asong umaalulong habang silaʼy naglilibot sa bayan.

15Silaʼy naglilibot para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.

16Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan. Tuwing umaga, akoʼy aawit nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig. Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.

17O Diyos, kayo ang aking kalakasan. Aawit ako ng mga papuri sa inyo, dahil kayo ang aking kanlungan at Diyos na sa akin ay nagmamahal.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.