1Panginoon, inyong dinggin at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
2Ingatan nʼyo ang buhay ko sapagkat akoʼy tapat sa inyo. Kayo ang aking Diyos, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
3Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
4Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil saʼyo ako nananalangin.
5Tunay kayong mabuti at mapagpatawad, O Panginoon, puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
6Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon. Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
7Akoʼy tumatawag sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
8Walang diyos na katulad nʼyo, Panginoon; walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
9Ang lahat ng bansa na inyong ginawa, ay lalapit at sasamba sa inyo, Panginoon. Pupurihin nila ang inyong pangalan.
10Sapagkat makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga. Kayo ang nag-iisang Diyos.
11Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan, at susundin ko ito nang may katapatan. Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12Panginoon kong Diyos, buong puso ko kayong pasasalamatan. Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman.
13Sapagkat ang inyong pag-ibig sa akin ay dakila. Iniligtas nʼyo ako mula sa kamatayan.
14O Diyos, sinasalakay ako ng mga mayayabang gusto akong patayin ng mga walang awa. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15Ngunit kayo, Panginoon, ay Diyos na nagmamalasakit at mahabagin. Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi kayo madaling magalit.
16Bigyang-pansin nʼyo ako at kahabagan; bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan, upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya. Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.