Awit 107

1Magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siyaʼy mabuti; ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.

2Sabihin ninyo ito, kayong mga iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.

3Dahil tinipon niya kayo mula sa mga bansa; sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

4May mga taong naglakbay sa ilang; hindi nila makita ang daan papunta sa lungsod na maaari nilang tirhan.

5Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.

6Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon, at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

7At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na kanilang matitirahan.

8Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hanga niyang gawa sa mga tao.

9Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw, at pinakakain ang mga nagugutom.

10May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.

11Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Diyos at hindi sumunod sa kanyang mga payo.

12Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho. Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.

13Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon, at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

14Pinutol niya ang kanilang mga kadena at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.

15Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon, dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

16Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso at binali ang mga rehas na bakal.

17May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay, at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.

18Nawalan sila ng gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.

19Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon, at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

20Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling at iniligtas niya sila sa kamatayan.

21Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon, dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

22Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.

23May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.

24Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.

25Sa utos niya, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.

26Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim. At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.

27Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing, at hindi na alam kung ano ang gagawin.

28Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon, at silaʼy iniligtas niya sa kanilang pagdurusa.

29Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.

30At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak, at silaʼy pinatnubayan ng Diyos hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.

31Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon, dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.

32Dapat nilang parangalan ang Diyos sa kanilang pagtitipon, at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.

33Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang, at ang mga bukal na maging tuyong lupa.

34Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa, dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.

35Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan, at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.

36Doon niya pinapatira ang mga taong nagugutom, at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.

37Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas, kaya sagana sila pagdating ng anihan.

38Silaʼy pinagpapala ng Diyos, at pinararami ang kanilang angkan. Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.

40Isinusumpa ng Diyos ang mga umaapi sa kanila, at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.

41Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan, at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.

42Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak, ngunit tumahimik ang masasamâ.

43Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong, at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.