1Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga. Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat kayo ay matuwid. Akoʼy inyong dinggin at sagipin.
3Kayo sa akin ay batong kanlungan na lagi kong malalapitan. Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4O Diyos ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5Kayo ang aking pag-asa, O Makapangyarihang Panginoon. Mula noong akoʼy bata pa, sa inyo, ako ay nagtiwala.
6Kayo ay aking kasama, mula nang akoʼy isilang; sa sinapupunan ng aking ina, akoʼy inyong iningatan. Akoʼy magpupuri sa inyo, magpakailanman.
7Naging halimbawa ang buhay ko para sa karamihan, dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9Huwag po ninyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na. Huwag po ninyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagbabalak na akoʼy patayin.
11Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Diyos, kaya habulin natin siya at dakpin sapagkat wala namang magliligtas sa kanya.”
12O Diyos ko, huwag nʼyo po akong layuan; at akoʼy agad ninyong saklolohan.
13Nawa silang sa akin ay nagpaparatang ay mapahiya at mapahamak. Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14Ngunit ako, O Diyos ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15Maghapon kong sasabihin na matuwid kayo at nagliligtas, kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16Ihahayag ko ang inyong mga kahanga-hangang gawa, O Makapangyarihang Panginoon; Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan; Oo, kayo lamang.
17O Diyos, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon, inihahayag ko ito sa mga tao.
18At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok, huwag nʼyo akong pabayaan, O Diyos. Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon, at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19O Diyos, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan nang lubusan. Kahanga-hanga ang inyong mga gawa. Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay. At mula sa aking pagkakalibing, akoʼy muli nʼyong bubuhayin.
21Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan, at muli akong aaliwin.
22O Diyos ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa aking pagtugtog ng alpa. O Banal na Diyos ng Israel, aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog at umaawit ng papuri sa inyo.
24Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.