Awit 75

1O Diyos, nagpapasalamat kami sa inyo. Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin. Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang gawa.

2Sinabi nʼyo O Diyos, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang walang kinikilingan.”

3Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot, ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.

4Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang” at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.

5Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”

6Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,

7kundi sa Diyos lamang. Siya ang humahatol; kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.

8Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak. Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.

9Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Diyos ni Jacob, aawit ako ng mga papuri para sa kanya.

10Aalisin niya ang kakayahan ng masasama, ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.