Awit 94

1Panginoon, kayo ang Diyos na naghihiganti. Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.

2Kayo ang humahatol sa lahat ng tao, kumilos na po kayo Panginoon, gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.

3Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?

4Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.

5Inaapi nila ang inyong mga mamamayan, Panginoon sinasaktan nila ang inyong mga hinirang.

6Pinapatay nila ang mga biyuda at mga dayuhan, pati na ang mga ulila.

7Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin; hindi ito mapapansin ng Diyos ni Jacob.”

8Kayong mga hangal at mahihina ang utak, kailan ba kayo makakaunawa? Unawain ninyo ito:

9Ang Diyos na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?

10Akala nʼyo baʼy hindi ni magpaparusa ang Diyos na siyang dumidisiplina sa mga bansa? Akala nʼyo baʼy kulang siya sa kaalaman?

11Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.

12O Panginoon, pinagpala ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.

13Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasamá ay inyong parusahan.

14Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.

15Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.

16Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.

17Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.

18Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa, Panginoon, ang tumulong sa akin.

19Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.

20Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng kautusan.

21Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.

22Ngunit kayo, Panginoon na aking Diyos ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.

23Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Diyos.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.