Awit 5

1O Panginoon, mga salita koʼy iyong dinggin; ang mga hinaing koʼy bigyang-pansin.

2Aking Diyos at Hari, ang paghingi ko ng tulong ay inyong dinggin, sapagkat sa inyo ako nananalangin.

3Tuwing umaga, O Panginoon naririnig ninyo ang aking panalangin. Bawat umaga, akoʼy humihiling at umaasa sa inyong kasagutan.

4Kayo ay Diyos na hindi natutuwa sa kasamaan, at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.

5Ang mga mapagmataas ay hindi mananatili sa inyong harapan. Ang mga taong gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.

6Pinupuksa ninyo ang mga sinungaling. Kinasusuklaman ninyo ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya.

7Ngunit dahil sa inyong wagas na pag-ibig, akoʼy makakapasok sa inyong tahanan. At bilang paggalang, akoʼy magpapatirapa sa inyong banal na Templo.

8O Panginoon, akoʼy inyong gabayan tungo sa inyong matuwid na daan, sapagkat napakarami ng aking kalaban. Gawin nʼyong madali kong sundan ang iyong daan na nasa aking harapan.

9Sapagkat ang bibig ng aking mga kaaway ay hindi mapagkakatiwalaan, ang puso nilaʼy puno ng kapahamakan. Katulad ng bukas na libingan ang kanilang lalamunan; Pawang salitang mapanlinlang ang kanilang binibitawan.

10O Diyos, panagutin nʼyo po sila. Nawaʼy ipahamak sila ng sarili nilang mga plano. Itakwil ninyo sila dahil sa dami ng kanilang pagkakasala, sapagkat kayoʼy sinusuway nila.

11Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo; magsiawit nawa sila nang may kagalakan. Ingatan nʼyo sila na nagmamahal sa inyo, upang silaʼy mapuno ng kagalakan.

12Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid. Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.