Awit 91

1Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Diyos na Makapangyarihan ay kakalingain niya.

2Ito ang masasabi ko tungkol sa Panginoon, “Siya ang kumakalinga at nagtatanggol sa akin. Siya ang aking Diyos at sa kanya ako nagtitiwala.”

3Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot.

4Iingatan ka niya gaya ng pag-iingat ng inahin sa kanyang mga inakay sa pamamagitan ng kanyang pakpak. Ang kanyang katapatan ang iyong magiging pananggalang at tanggulan.

5At sa gabi, hindi ka matatakot sa anumang bagay, maging sa palaso ng mga kaaway, kapag sumapit ang araw,

6o sa sakit at mga salot na dumarating sa gabi man o araw.

7Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, wala pa ring masamang mangyayari saʼyo.

8Matutunghayan mo lamang kung paano pinaparusahan ang mga taong masasama.

9Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos na aking tagapagtanggol,

10walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.

11Sapagkat uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel na ingatan ka saan ka man magpunta.

12Bubuhatin ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.

13Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.

14Sinabi ng Diyos, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.

15Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya. Sasamahan ko siya, sa oras ng kaguluhan. Ililigtas ko siya at pararangalan.

16Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipararanas ko sa kanya ang aking pagliligtas.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.