Awit 136

1Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

2Magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

3Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

4Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

5Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

6Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

7Ginawa niya ang araw at ang buwan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

8Ginawa niya ang araw upang magbigay-liwanag kung araw. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

9Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay-liwanag kung gabi. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

10Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Ehipsiyo. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

11Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Ehipto. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

12Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

13Hinawi niya ang Dagat na Pula. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

14At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

15Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

16Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

17Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

18Pinatay niya ang mga dakilang hari. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

19Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

20Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

21Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

22At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

23Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

24Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

25Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

26Magpasalamat tayo sa Diyos na nasa langit. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.