Awit 139

1Panginoon, akoʼy inyong siniyasat at kilalang-kilala.

2Alam ninyo lahat, maging ang pag-upo at pagtayo ko; Malayo man kayoʼy batid ninyo ang aking iniisip.

3Akoʼy inyong nakikita nagtatrabaho man ako o nagpapahinga. Alam ninyo ang lahat ng aking ginagawa.

4Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam na ninyo ang aking sasabihin.

5Lagi ko kayong kasama, akoʼy inyong iniingatan at kinakalinga.

6Ang pagkakilala ninyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga; hindi maarok ng aking pang-unawa.

7Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala kayo?

8Kung pupunta ako sa langit ay naroon kayo; kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, naroon din kayo.

9At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,

10kayo ay naroon din upang akoʼy patnubayan at tulungan.

11Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o maging gabi ang liwanag sa paligid ko;

12subalit, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon, at ang gabi ay parang araw. Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.

13Kilala ninyo ako, dahil kayo ang lumalang sa akin. Kayo ang humubog sa akin sa sinapupunan ng aking ina.

14Pinupuri ko kayo sa kahanga-hangang pagkalikha ninyo sa akin. Alam na alam kong ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.

15Nakita ninyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hubugin sa sinapupunan ng aking ina.

16Nakita na ninyo ako, hindi pa man ako isinisilang. Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat ninyo bago pa man ito mangyari.

17O Diyos, hindi ko lubos maunawaan ang mga iniisip ninyo; itoʼy sadyang napakarami.

18Kung itoʼy aking bibilangin, mas marami pa kaysa sa buhangin. Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

19O Diyos, patayin ninyo sana ang masasamâ! Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!

20Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo. Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.

21Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo. Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.

22Labis ko silang kinamumuhian; itinuturing ko silang mga kaaway.

23O Diyos, siyasatin ninyo ako, upang malaman ninyo ang nasa puso ko. Subukin ninyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.

24Tingnan ninyo kung ako ay may masamang pag-uugali, at patnubayan ninyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.