1Ang Diyos ang ating kanlungan at kalakasan. Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man, at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan, at mayanig ang kabundukan.
4May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Diyos, sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Diyos.
5Ang Diyos ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba. Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian. Sa sigaw ng Diyos, ang mga tao ay parang matutunaw sa takot.
7Ang Panginoon ng mga Hukbo ay kasama natin. Ang Diyos ni Jacob ang kanlungan natin.
8Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo. Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11Kasama natin ang Panginoon ng mga Hukbo. Ang Diyos ni Jacob ang ating kanlungan.