1Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa inyo. Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2Baka patayin nila ako, katulad ng pagluray ng leon sa kanyang biktima, kung walang magliligtas sa akin.
3Panginoon kong Diyos, kung totoong ginawa ko ang kasalanang ito,
4kung ginantihan ko nga ng masama ang mabuting ginawa ng aking kaibigan, o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5hayaan nʼyong akoʼy usigin at talunin ng aking mga kaaway. Hayaan nʼyong akoʼy tapak-tapakan hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6O Panginoon kong Diyos, ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway na sobrang nagngingitngit. Ipakita ninyo ang inyong pagiging makatarungan.
7Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo, at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao. Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin. Sapagkat alam nʼyo na akoʼy matuwid, at namumuhay nang wasto.
9Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao, at pagpalain nʼyo ang mga matuwid, dahil kayo ay Diyos na matuwid, at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10Kayo, O Diyos, ang nag-iingat sa akin. Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasamâ.
12Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan, ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan. Katulad nʼyo ay isang sundalo na handa na ang mga nakamamatay na sandata. Nahasa na niya ang kanyang espada, at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan, kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15Ngunit sila mismo ang mapapahamak sa panggugulo at karahasang binabalak. Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag upang mahulog ang iba, pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, sapagkat matuwid kayo. Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Panginoon.