Awit 119

1Mapalad ang taong namumuhay nang walang kapintasan, at naaayon sa utos ng Panginoon.

2Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Diyos, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.

3Hindi sila gumagawa ng masama sa halip ay sumusunod sa mga pamamaraan ng Diyos.

4Panginoon, ibinigay ninyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.

5Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.

6At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.

7Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso, habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.

8Susundin ko ang inyong mga tuntunin, kaya huwag ninyo akong pababayaan.

9Paano mapapanatili ng isang kabataan na dalisay ang kanyang buhay? Sa pamamagitan ng pamumuhay niya ayon sa inyong salita.

10Buong puso akong lumalapit sa inyo; kaya akoʼy tulungan ninyo na huwag lumihis sa mga utos ninyo.

11Ang salita ninyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.

12Purihin kayo Panginoon! Ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

13Ang mga kautusang inyong ibinigay ay lagi kong sasambitin, isisigaw ko nang malakas.

14Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan, higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.

15Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16Magagalak ako sa inyong mga tuntunin, at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.

17Ipadama ninyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod, upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ayon sa inyong salita.

18Buksan ninyo ang aking isipan upang aking maunawaan ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.

19Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan, kaya ipaliwanag ninyo sa akin ang inyong mga utos.

20Sa lahat ng oras ay naghahangad ako na malaman ang kautusan ninyo.

21Ang mga hambog ay sinasaway ninyo at isinusumpa ang mga lumalabag sa mga utos ninyo.

22Ilayo ninyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya, sapagkat sinusunod ko ang inyong mga turo.

23Kahit na magtipon ang mga namumuno at magsalita laban sa akin, akong lingkod ninyo ay patuloy na magbubulay-bulay sa inyong mga tuntunin.

24Ang inyong mga turo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing aking tagapayo.

25Akoʼy parang mamamatay na, kaya akoʼy panatilihin ninyong buháy ayon sa inyong pangako.

26Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at akoʼy pinakinggan ninyo. Ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

27Ipaunawa ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin, upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.

28Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin ninyo ako ayon sa inyong pangako.

29Ilayo ninyo ako mula sa paggawa ng masama, at tulungan ninyo akong sundin ang inyong kautusan.

30Pinili ko ang tamang daan, gusto kong sumunod sa inyong mga utos.

31Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo, kaya huwag ninyong papayagang mapahiya ako.

32Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos, dahil pinapalawak ninyo ang aking pang-unawa.

33Panginoon, ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin, at habang nabubuhay, itoʼy aking susundin.

34Bigyan ninyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan, at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.

35Pangunahan ninyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos, dahil ito ang aking kasiyahan.

36Bigyan ninyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.

37Ilayo ninyo ako sa mga bagay na walang kabuluhan. Ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong pangako.

38Tuparin ninyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod, na ipinangako ninyo sa mga may takot sa inyo.

39Alisin ninyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan, dahil ang inyong mga tuntunin ay pawang kabutihan.

40Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin. Sa inyong katuwiraʼy, ingatan ninyo ang aking buhay.

41Panginoon, ipakita ninyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.

42Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin, dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.

43Tulungan ninyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon, dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga utos.

44Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.

45Mamumuhay akong may kalayaan, dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.

46Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.

47Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos dahil mahal ko ang mga ito.

48Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal, at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.

49Alalahanin ninyo ang inyong pangako sa akin na inyong lingkod, dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.

50Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas at umaaliw sa akin sa mga paghihirap na aking dinaranas.

51Palagi akong hinahamak ng mga hambog, ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.

52Panginoon, inaalala ko ang inyong mga panuntunang ibinigay noong una, at silaʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.

53Akoʼy galit na galit sa masasamang tao, na ayaw sumunod sa inyong kautusan.

54Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.

55Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.

56Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

57Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan. Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.

58Buong puso akong nakikiusap sa inyo na akoʼy inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.

59Pinag-isipan ko ang aking pamumuhay, at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.

60Dali-dali at di ko ipagpapaliban ang pagsunod sa inyong mga utos.

61Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.

62Kahit hatinggabi ay gumigising ako para kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.

63Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.

64Panginoon, minamahal ninyo ang lahat ng tao sa buong mundo. Ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

65Panginoon, kabi-kabilang kabutihan ang ipinaranas ninyo sa akin na inyong lingkod, sang-ayon sa inyong pangako.

66Bigyan ninyo ako ng kaalaman at karunungan, dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.

67Nang akoʼy hindi pa ninyo pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo, ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.

68Napakabuti ninyo at mabuti ang inyong mga gawa. Ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

69Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.

70Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan, ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.

71Mabuti na pinarusahan ninyo ako, dahil sa pamamagitan nitoʼy natutunan ko ang inyong mga turo.

72Para sa akin, ang kautusan na ibinigay niyoʼy higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.

73Akoʼy nilikha at hinubog ninyo; kaya bigyan ninyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.

74Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita, dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.

75Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos. At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.

76Sanaʼy aliwin ninyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako ninyo sa akin na inyong lingkod.

77Kahabagan ninyo ako upang patuloy akong mabuhay, dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.

78Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa paninira nila sa akin. Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.

79Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.

80Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.

81Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin, ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.

82Lumalamlam na ang aking paningin sa paghihintay ng katuparan ng pangako ninyo sa akin. Ang tanong koʼy, “Kailan pa ninyo ako palalakasin at aaliwin?”

83Kahit na akoʼy tulad ng sisidlang-balat na hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.

84Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay? Kailan ninyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?

85Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.

86Kaya tulungan ninyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan, hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan. Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.

88Ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong pag-ibig sa akin, upang masunod ko ang mga turo na ibinigay ninyo.

89Panginoon, ang salita nʼyo ay mananatili magpakailanman; hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.

90Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. Matibay ninyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.

91Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais. Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.

92Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa paghihirap na dinanas ko.

93Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin, dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy ninyo akong binubuhay.

94Akoʼy inyo, kaya akoʼy iligtas ninyo! Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.

95Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin, ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.

96Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan, ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.

97Labis kong iniibig ang inyong kautusan. Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.

98Ang inyong mga utos ay nasa puso ko, kaya akoʼy mas marunong kaysa sa mga kaaway ko.

99Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro, sapagkat lagi kong pinagbubulay-bulayan ang inyong mga katuruan.

100Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda, sapagkat sumusunod ako sa mga tuntunin ninyo.

101Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali, upang masunod ko ang inyong mga salita.

102Hindi ako lumihis sa inyong mga utos, dahil kayo ang nagturo sa akin.

103Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.

104Sa inyong mga tuntunin, pang-unawa koʼy lumalawak, kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.

105Ang salita ninyo ay ilaw sa aking paanan, nagbibigay-liwanag sa aking daraanan.

106Nanumpa ako at muling nangangako na susundin ko ang mga matuwid na utos ninyo.

107Hirap na hirap na po ako Panginoon; panatilihin ninyo akong buháy ayon sa inyong pangako.

108Tanggapin ninyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri, at ituro ninyo sa akin ang inyong mga utos.

109Kahit na akoʼy palagiang nasa bingit ng kamatayan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.

110Ang masasamaʼy naghanda ng patibong para sa akin, ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.

111Ang inyong mga turo ang mana kong walang hanggan, sapagkat itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.

112Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang dulo.

113Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo, ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.

114Kayo ang kanlungan at pananggalang ko; sa inyong mga salitaʼy umaasa ako.

115Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama, upang masunod ko ang mga utos ng aking Diyos.

116Panginoon, bigyan po ninyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako upang ako ay patuloy na mabuhay; at huwag ninyong hayaan na mabigo ako sa aking pag-asa sa inyo.

117Tulungan ninyo ako upang akoʼy maligtas; at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.

118Itinatakwil ninyo ang lahat na lumalayo sa inyong mga tuntunin. Ang kanilang panlilinlang ay walang kabuluhan.

119Basura ang tingin ninyo sa lahat ng masasama rito sa mundo, kaya naman iniibig ko ang inyong mga turo.

120Nanginginig ako sa takot sa inyo; sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.

121Ginawa ko ang matuwid at makatarungan, kaya sa aking mga kaaway, huwag ninyo akong pababayaan.

122Ipangako ninyong akoʼy tutulungan huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.

123Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.

124Gawin ninyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal, at ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

125Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan ninyo ako ng pang-unawa, upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.

126Panginoon, ito na ang panahon para kayo ay kumilos, dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.

127Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos, nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.

128Sinusunod ko ang lahat ng inyong mga tuntunin, kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

129Kahanga-hanga ang inyong mga turo, kaya sinusunod ko ito nang buong puso.

130Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga kulang sa kaalaman.

131Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.

132Masdan ninyo ako at kahabagan, gaya ng lagi ninyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.

133Patnubayan ninyo ako ng inyong mga salita, at huwag ninyong hayaang akoʼy pagharian ng kasamaan.

134Iligtas ninyo ako sa mga nang-aapi sa akin, upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.

135Ipakita ninyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan, at turuan ninyo ako ng inyong mga tuntunin.

136Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

137Matuwid kayo, Panginoon, at tama ang inyong mga paghatol.

138Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.

139Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.

140Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako, kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.

141Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.

142Walang katapusan ang inyong katuwiran, at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.

143Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan, ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.

144Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan. Bigyan ninyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

145Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo; sagutin ninyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.

146Tumatawag ako sa inyo; iligtas ninyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.

147Gising na ako bago pa sumikat ang araw at humihingi ng tulong sa inyo, dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.

148Akoʼy nagpuyat nang buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.

149Panginoon, dinggin ninyo ako ayon sa inyong pagmamahal; ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong paghatol.

150Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.

151Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.

152Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.

153Masdan ninyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas, dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.

154Ipagtanggol ninyo ako at iligtas, ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong pangako.

155Hindi maliligtas ang masasamâ, dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.

156Napakamaawain ninyo Panginoon; ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong paghatol.

157Marami ang umuusig sa akin, ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.

158Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo, dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.

159Tingnan ninyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin. Ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.

160Totoo ang lahat ng inyong salita, at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.

161Inuusig ako ng mga namumuno nang walang dahilan, ngunit salita lamang ninyo ang aking kinatatakutan.

162Nagagalak ako sa inyong mga pangako, tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.

163Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan, ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.

164Pitong beses akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.

165Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan, at silaʼy hindi mabubuwal.

166Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas, at sinusunod ko ang inyong mga utos.

167Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo, at itoʼy sinusunod ko.

168Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman, kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.

169Panginoon, pakinggan sana ninyo ang aking hinaing. Bigyan ninyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.

170Sanaʼy dinggin ninyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.

171Lagi akong magpupuri sa inyo, dahil tinuturuan ninyo ako ng inyong mga tuntunin.

172Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita, dahil matuwid ang lahat ng inyong mga utos.

173Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan, dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.

174Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas. Ang kautusan ninyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.

175Panatilihin ninyo ang aking buhay para kayoʼy aking mapapurihan, at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.

176Para akong tupang naligaw at nawala, kaya hanapin ninyo ako na inyong lingkod, dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.