Awit 135

1Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,

2na naglilingkod sa bahay ng Panginoon, sa bakuran ng Templo ng ating Diyos.

3Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti. Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.

4Purihin ninyo siya! Sapagkat pinili niya ang lahi ni Jacob na maging kanya, at ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob na maging kanyang mahalagang ari-arian.

5Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alin mang diyos-diyosan.

6Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman.

7Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malalayong dako ng mundo, at ipinadala ang kidlat na may kasamang ulan. Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.

8Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Ehipsiyo; pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.

9Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.

10Winasak niya ang maraming bansa, at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,

11katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan, at ang lahat ng hari ng Canaan.

12Kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.

13Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.

14Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan, at silaʼy inyong kahahabagan.

15Ang mga diyos ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.

16May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita; may mga mata, ngunit hindi nakakakita.

17May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig, at hindi sila humihinga.

18Ang mga gumawa ng diyos-diyosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

19Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon! Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!

21Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang lungsod ng Jerusalem na kanyang tahanan. Purihin ang Panginoon!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.