Awit 9

1Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan. Ilalahad ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.

2Dahil sa inyo, Kataas-taasang Diyos akoʼy magsasaya. Magagalak ako at aawit ng mga papuri para sa inyo. Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.

3Kapag kayoʼy nagpapakita sa aking mga kaaway, natatakot sila at umaatras; tumatakas sila at nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.

4Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom. Noong akoʼy inyong hinatulan, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.

5Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasamâ, kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.

6Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway; sila ay lubusang nawasak. Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan, at silaʼy lubusan nang makakalimutan.

7Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman. At handa na ang inyong trono para sa paghatol.

8Matuwid ninyong pinamumunuan ang sangkatauhan, silaʼy inyong hinahatulan nang walang pagkiling kaninuman.

9Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi, at kublihan sa panahon ng kahirapan.

10Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo, dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem! Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!

12Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan; pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway. Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,

14upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion, ang inyong mga ginawa, at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

15Nangyari mismo sa kanilang bansa ang binalak nilang masama. Sila mismo ang nahulog sa sarili nilang bitag.

16Kilala ang Panginoon sa kanyang mga gawang matuwid. Ang masasamaʼy napahamak, dahil rin sa kanilang masamang gawa.

17Kamatayan ang hahantungan ng mga masasama. Ang mga lilimot sa Diyos, ganyan ang kahihinatnan nila.

18Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan, at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.

19O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao; tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.

20Turuan nʼyo silang matakot Panginoon, at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.