1Bumubulong ang kasalanan sa puso ng masamang tao. Ni wala man lang siyang takot sa Diyos.
2Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili, hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan upang kamuhian ito.
3Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan. Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
4Kahit siyaʼy nakahiga, nagbabalak siya ng masama. Napagpasyahan niyang gumawa nang hindi mabuti, at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.
5Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan. Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan. Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Diyos! Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo, tulad ng pagkalinga ng inahing manok sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila nang masaganang handa, at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay. Pinapaliwanagan nʼyo kami, at naliliwanagan ang aming isipan.
10Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo, at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas o itaboy ng mga masasamâ.
12Ang masasamang tao ay mapapahamak nga. Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon pa.