Awit 57

1Kahabagan ninyo ako, O Diyos, mahabag kayo sa akin. Sapagkat sa inyo ako kumukubli. Akoʼy kukubli sa ilalim ng inyong mga pakpak, hanggang sa ang panganib ay lumipas.

2Sa Kataas-taasang Diyos akoʼy tumatawag, sa kanya na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.

3Mula sa langit akoʼy kanyang tutulungan at ililigtas. Inilalagay nʼya sa kahihiyan ang mga kaaway ko. Ipapakita nʼya ang kanyang pag-ibig at katapatan.

4Napapaligiran ako ng mga kaaway, parang mga leong handang lumapa ng tao. Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana, mga dilaʼy kasintalim ng espada.

5O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at ang inyong kaluwalhatian sa buong mundo.

6Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway. Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.

7O Diyos, lubos akong nagtitiwala sa inyo. Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.

8Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kuwerdas upang magpuri sa inyo.

9Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan. At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.

10Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.

11O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.