Awit 64

1O Diyos, pakinggan nʼyo ang daing ko! Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.

2Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.

3Naghahanda sila ng matatalim na salita, na gaya ng espada at palasong nakakasugat.

4Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid na parang namamana nang patago. Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.

5Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag. Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”

6Nagbabalak sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!” Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!

7Ngunit papanain sila ng Diyos at bigla na lang silang masusugatan.

8Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang salita, kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.

9At lahat ng tao ay matatakot. Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Diyos at ipahahayag ito sa iba.

10Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid. At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.