Awit 81

1Umawit kayo nang may galak sa Diyos na nagbibigay sa atin ng kalakasan. Sumigaw kayo nang may tuwa sa Diyos ni Jacob!

2Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.

3Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Bagong Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.

4Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel. Itoʼy utos ng Diyos ni Jacob.

5Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Ehipto. May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala. Sinabi niya,

6“Kinuha ko ang mabigat niyang pasanin, Pinalaya ko ang kanyang mga kamay sa dalahin.

7Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko. Mula sa mga alapaap, sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.

8Mga Israelita, aking mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo. Makinig kayo sa akin!

9Wala kayong ibang magiging diyos kundi ako lang. Huwag kayong sumamba sa diyos-diyosan.

10Ako ang Panginoon na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto. Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.

11Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.

12Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo at ginawa ninyo ang inyong gusto.

13Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,

14kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.

15Ang mga napopoot sa akin, na Panginoon ay yuyukod sa takot. Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.

16Ngunit kayo na aking mga mamamayan, pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.