Awit 63

1O Diyos, kayo ang aking Diyos. Hinahanap-hanap ko kayo. Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa, tulad ng lupang tigang sa ulan.

2Nakita ko ang presensya ninyo doon sa Templo, nasaksihan ko roon ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian.

3Akoʼy magpupuri sa inyo, sapagkat ang inyong wagas na pag-ibig ay mas mainam pa kaysa buhay.

4Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay. Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.

5Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan. At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan.

6Sa aking paghimlay, kayo ang naaalala ko. Sa buong magdamag, kayo ang iniisip ko.

7Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit ako, habang akoʼy nasa inyong kalinga.

8Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.

9Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.

10Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.

11Matutuwa ang hari sa ginawa ng Diyos sa kanya. Matutuwa rin ang mga nangako sa Diyos. Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Diyos!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.