Awit 97

1Ang Panginoon ay naghahari! Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.

2Napapalibutan siya ng makakapal na ulap at naghahari nang may katuwiran at katarungan.

3May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.

4Ang mga kidlat niyaʼy nagliliwanag sa mundo. Nanginginig sa takot ang mga tao kapag nakikita ito.

5Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.

6Ipinapahayag ng langit ang kanyang katuwiran, at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.

7Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga diyos-diyosan at ang mga ipinagmamalaki ang mga ito. Kayong lahat na mga diyos-diyosan lumuhod at sambahin ninyo ang Diyos.

8Panginoon, narinig ng mga taga-Zion at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala, kaya tuwang-tuwa sila.

9Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa buong mundo. Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga diyos.

10Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan. Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan at inililigtas niya sila sa masasama.

11Ang kabutihan ng Diyos ay sumisinag sa matutuwid at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.

12Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon. Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.