Awit 72

1O Diyos, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,

2upang makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.

3Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.

4Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha at durugin ang mga umaapi sa kanila.

5Nawaʼy katakutan ka nila, magpakailanman, hanggang ang araw ay sumisikat, hanggang ang buwan ay naroon sa kalangitan.

6Ang hari sanaʼy maging tulad ng ulan na bumubuhos sa parang, ulan na dumidilig sa kalupaan.

7Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno, at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.

8Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian, mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.

9Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.

10Magbigay sana ng buwis sa kanya ang mga hari ng Tarsis, at mga kaloob ang mga hari ng Sheba at Seba.

11Magpasakop sana sa kanya ang lahat ng hari at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.

12Inililigtas niya ang mga dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang mga mahihirap na walang tumutulong.

13Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.

14Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.

15Mabuhay sana ang hari nang matagal. Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba. Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Diyos.

16Sumagana sana ang ani sa lupain maging sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon. Dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod, kasindami ng damo sa mga parang.

17Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw. Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Diyos ang lahat ng bansa, at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Diyos.

18Purihin ang Panginoong Diyos, ang Diyos ng Israel, na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.

19Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman! Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian. Amen! Amen!

20Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.