Awit 4

1Ang panawagan koʼy iyong dinggin, O Diyos na nagtatanggol sa akin. Akoʼy bigyang kaginhawahan sa panahon ng aking kagipitan. Akoʼy inyong kahabagan, panalangin ko ay pakinggan.

2Kayong mga tao, kailan kayo titigil sa paninirang-puri sa akin? Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at susundin ang mga bulaan?

3Tandaan ninyo: Ibinukod ng Panginoon ang kanyang mga hinirang. Kapag akoʼy tumawag sa kanya, akoʼy pakikinggan niya.

4Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala. Magbulay-bulay nang may katahimikan habang kayoʼy nakahiga sa higaan.

5Ialay sa Panginoon ang mga nararapat na handog at magtiwala sa kanya.

6Marami ang nagsasabi, “Sino ang magpapakita sa atin ng mabuti?” Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang inyong kabutihan!

7Labis na kagalakan ang inyong ibinigay sa akin, higit pa sa kanila na sagana sa pagkain at inumin.

8Sa aking pagtulog, panatag ang aking loob, sapagkat kayo, Panginoon, ang nakabantay sa akin.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.