Awit 88

1Panginoon, kayo ang Diyos na aking Tagapagligtas. Araw-gabi akong tumatawag sa inyo.

2Dinggin ninyo ang aking dalangin panawagan ko nawaʼy sagutin.

3Napakaraming paghihirap ang dumarating sa akin; para bang ang kamatayaʼy unti-unting lumalapit sa akin.

4Akoʼy kabilang na sa mga ibinaon sa lupa; katulad koʼy taong hindi na matutulungan pa.

5Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay, parang isang nasawing nananahimik na lang sa kanyang libingan, na kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.

6Parang inilagay nʼyo ako sa napakalalim at napakadilim na hukay.

7Ang inyong poot ay sa akin ibinunton, parang mga alon na humahampas sa akin.

8Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanilang harapan. Para akong nakakulong at hindi na makatakas pa.

9Dumidilim na ang paningin ko dahil sa kalungkutan. Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo nang nakataas ang aking mga kamay.

10Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay? Bumabangon ba sila para kayoʼy papurihan?

11Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?

12Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay? Doon sa lugar na iyon na ang lahat ay kinakalimutan.

13Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo. Tuwing umaga, akoʼy nananalangin sa inyo.

14Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon? Bakit nʼyo ako pinagtataguan?

15Mula pa sa pagkabataʼy hirap na ang dinanas, at nalagay pa sa bingit ng kamatayan. Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.

16Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin. Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ipinaranas nʼyo sa akin.

17Dumating ang mga ito na parang bahang lumamon sa akin.

18Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan; wala akong naging kasama kundi kadiliman.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.