Awit 48

1Dakila ang Panginoon na ating Diyos, at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan, ang kanyang banal na bundok.

2Itoʼy mataas at maganda, at nagbibigay kagalakan sa buong mundo. Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.

3Ang Diyos ay nasa mga muog ng Jerusalem, at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

4Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.

5Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan, nagulat, natakot at nagsitakas sila.

6Dahil sa takot, nanginig sila gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.

7Winasak sila ng Diyos tulad ng mga barkong panglayag na sinisira ng hanging amihan.

8Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Diyos, pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan. Siya ang Panginoon ng Hukbo, at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

9Sa loob ng inyong Templo, O Diyos, iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.

10O Diyos, dakila ang pangalan nʼyo, at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo. Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.

11Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion, at ng mga bayan ng Juda, dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12Mga mamamayan ng Diyos, libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.

13Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito, upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,

14“Siya ang Diyos, ang Diyos natin magpakailanman. Siya ang gagabay sa atin habambuhay.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.