Awit 19

1Ipinapakita ng kalangitan ang kaluwalhatian ng Diyos! Inihahayag ng kalawakan ang gawa ng kanyang mga kamay.

2Araw-araw, sinasabi ng kalangitan ang tungkol dito, gabi-gabi, ipinaaalam ng kalawakan ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.

3Kahit walang salita o tinig na mula sa kanilaʼy naririnig,

4napapakinggan pa rin sa buong daigdig ang kanilang salitaʼt tinig. Doon sa kalangitan, iginawa ng Diyos ang araw ng tirahan.

5Tuwing umagaʼy sumisikat ito katulad ng isang lalaking ikakasal na masayang lumalabas ng kanyang tahanan. O kayaʼy isang manlalarong kampeon na sabik na sabik sumabak sa takbuhan.

6Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran; walang di mahahagip ng init nitong taglay.

7Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian. Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan. Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan, at nagbibigay karunungan sa mga kulang sa kaalaman.

8Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan. Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay-liwanag sa kaisipan.

9Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman. Ang mga utos ng Panginoon ay matuwid at makatarungan.

10Ang mga itoʼy higit pa kaysa ginto kahit pa sa purong ginto, at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.

11Ang inyong mga utos, ay nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod. May dakilang gantimpala kapag itoʼy aking sinusunod.

12Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian. Kaya linisin po ninyo ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.

13Ilayo rin ninyo ako sa kasalanang sadya kong ginagawa. Huwag po ninyong payagan na alipinin ako nito. At mamumuhay ako nang walang kapintasan, lubos na lalaya sa maraming kasalanan.

14Nawaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi. Kayo, ang aking batong kanlungan at tagapagligtas!

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.