3Kahit walang salita o tinig na mula sa kanilaʼy naririnig,
4napapakinggan pa rin sa buong daigdig ang kanilang salitaʼt tinig. Doon sa kalangitan, iginawa ng Diyos ang araw ng tirahan.
5Tuwing umagaʼy sumisikat ito katulad ng isang lalaking ikakasal na masayang lumalabas ng kanyang tahanan. O kayaʼy isang manlalarong kampeon na sabik na sabik sumabak sa takbuhan.
6Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran; walang di mahahagip ng init nitong taglay.
7Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian. Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan. Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan, at nagbibigay karunungan sa mga kulang sa kaalaman.