1Panginoon kong Diyos, sa inyo, akoʼy nananalangin.
2Sa inyo, o Diyos, akoʼy nagtitiwala. Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan, ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamumuhay, ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan, dahil kayo ang Diyos na aking tagapagligtas. Kayo ang lagi kong inaasahan.