1Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon, at dininig niya ang aking mga daing.
2Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon. Ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi mapahamak.
3Tinuruan niya ako ng bagong awit, ang awit ng pagpupuri sa ating Diyos. Marami ang makakasaksi at matatakot sa Panginoon, at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala, at hindi lumalapit sa mga mapagmataas, o sumasamba sa mga diyos-diyosan.